#22-A Domingo Guevara St., Highway Hills, Mandaluyong City,Phils. natlsect@kpdpilipinas.org (+632) 7173262

[EDITORYAL] Simula pa lang ‘yan

Untitled

Limang base ang pinagkasunduang ipagagamit sa US sa ika-6 ng US-Philippines Bilateral Strategic Dialogue sa Washington nuong Marso 17-18, 2016. Nuong pumunta rito si US Defense Secretary Ashton Carter nitong Abril 13, pito na, kasama na ang Clark at, huminga tayo, ang mismong Camp Aguinaldo, ang punong himpilan ng Armed Forces ng Pilipinas, ang pinakahaligi ng estadong Pilipino!

Pero tyempo sa kainitan ng kampanyahan para sa pambansang eleksyon, ang mga mata at tainga ng higit na maraming tao ay nasa mga pampulitukang palabas na higit pa sa peryahan.

Tulad nuong italaga ang Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTF-P) nuong 2002, ang pagdeploy dito ng US troops ngayon, nilinaw ni Carter, ay dahil sa “imbitasyon ng alyadong gubyerno ng Pilipinas.”

Talaga naman. Hinigitan ng gubyernong pinamunuan ni Benigno S. Aquino III ang ginawa ni Gloria Macapagal Arroyo sa pagtangkilik sa estratehiyang militar ng US. Ayon sa mga pahayag ng US na hindi naman  pinasubalian ni Arroyo, inimbitahan niya ang mga tropang US para tumulong sa pagpuksa sa Abu Sayyaf at pinayagan niya ang mga ito na humimpil sa mga kampo ng AFP at sumuksok (embed) sa mga pormasyong Piipino sa Mindanao.

Ibinigay na ng gubyerno ni Aquino ang lahat ng kailangan ng US: pagpapainit sa sigalot sa pagpapatulak ng barko ng Philippine Navy nuong 2012 para dakpin ang mga Chinese poachers sa Scarborough/Panatag Shoal at makipagkomprontasyon sa Chinese Coast Guard; pagbabando ng palabang posisyon kontra-China; paglalako sa mamamayan ng nangangailangang sumandig sa US kaugnay ng problemang ito; at, pagpasok sa EDCA, na nagbigay sa US ng karapatang muling magpwesto ng mga tropa at mga kasangkapang panggera. Ito ang pamana ng administrasyong Aquino sa hahalili sa Malakanyang.

Dahil mahina ang rehistro ng pagtutol, isinasagawa na nang walang hadlang ang bwelong pagpapagamit ng Pilipinas sa disenyo ng “rebalance” o “pivot” ng US sa Asia Pacific na nakatutok sa pag-ipit hanggang sa pagdigma sa China.

Aminado ang US na labas siya sa sigalot tungkol sa soberanya sa mga isla, bahura, shoal, cay at bato sa South China Sea.

Pero sa pagpapapwesto ng mga pwersang militar ng US, sukdang pinagbase pa sa Camp Aguinaldo ang mga US Marines at sumasama ang Pilipinas sa pagpapatrulya ng mga tropang US, pinauuna ng gubyernong Aquino ang pagsisilbi sa US ayon sa itinakda nitong papel ng Pilipinas sa “rebalance.”

Nakasandal ang gubyernong Aquino sa US. Samantalang nakaamba ang US laban sa China, hindi upang ipaglaban ang karapatan ng mga bayang sangkot sa teritoryal na sigalot kundi para manatili siyang nag-iisang superpower sa buong daigdig.

Papalapit nang papalapit sa gera ang US at China. Nagtalaga na ang US ng mga stealth bombers sa Pacific. Dalawampung porsyento ang inilaki ng mga tropa ng US sa Japan. Sa unang pagkakataon mula 2011, nitong Abril lang nagtalaga ng 1,250 US Marines sa Northern Territory ng Australia kasabay ang apat na Bell UH-1Y Venom helicopters at isang hanay ng mga kagamitang pandigma. Nailatag na ng Australia at Japan ang mga legal na batayan ng kanilang pagsuporta sa “rebalance” ng US. At ngayon, isinasama na ang mga sundalong Pilipino sa pagpapatrulya sa South China Sea.

Walang tigil ang pagmumodernisa ng China ng kanyang mga armas at pagsisinop sa istruktura ng People’s Liberation Army. Walang pagpapakitang tumitiklop ito sa mga probokasyon at pagbabanta ng US.

Kaya ang lagay, ang pagsampa ng kaso sa Permanent Court of Arbitration ay pampatibay na lang sa kawastuan ng pagdigma sa China at pangakit ng internasyunal na suporta. Inaabangan na ang ilalabas na desisyon ng Permanent Court. Ngunit habang papalapit ito ay lalong umiigting ang mga maniobra sa South China Sea.

Madalas ang paglipad ng mga eroplanong AC-10 Warthogs ng US Air Force mula sa balikbase militar na Clark Air Base. Sa saklaw ng SCS, partikular na iniiukatan ng mga ito ang ibabaw ng Scarborough/Panatag Shoal na inagaw ng China sa Pilipinas nuong 2012. Balak diumano ng China na itransporma ito bilang “isla” na tatayuan ng airfield.

Hindi ipinaliliwanag ng gubyerno ni PNoy na sa gera mapupunta ang galaw na ito. Hindi nila ipinapaalam sa taumbayan na hindi kapanatagan ang idudulot ng pagpapabaseng ito ng mga Kano, na hindi tayo malilihis sa palitan ng missile ng US Australia at Japan sa isang panig, at ng China sa kabila.

Simula pa lang ito ng pangmalayuang disenyo ng US na kinasadlakan ng Pilipinas. Laging may pagkakataon para ipaglaban at igiit ng sambayanang Pilipino ang kasarinlan at soberanya. Dapat idiin ng taumbayan sa mahahalal na gubyerno na habang may panahon pa, kumalas na dapat ang Pilipinas sa mga kasunduang pangmilitar sa US upang maging independyente sa paghahanap pa ng mga paraang mapayapa sa paglutas ng sigalot sa China.K

 

Mula sa KILUSAN (Opisyal na Pahayagan ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya) | Taon 10 Bilang 2 | Abril 15, 2016

*Guhit sa itaas: Jayson Cadiz

FacebookTwitterGoogle+Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *