129-C Matatag Street, Diliman, Quezon City 1104 natlsect@kpdpilipinas.org

[PAHAYAG] Huwag Kaligtaan ang Dahilan ng Edsa, Hadlangan ang Pagpapanumbalik ng Tiraniya. Katarungan, Hindi Paglimot sa Nakaraan!

16995994_1272472576141012_1477865300676395693_n

Huwag Kaligtaan ang Dahilan ng Edsa, Hadlangan ang Pagpapanumbalik ng Tiraniya.

Katarungan, Hindi Paglimot sa Nakaraan!

 

Hindi lamang tungkol sa pamilya nina Cory at Noynoy Aquino ang Edsa. Hindi rin lamang tungkol sa naging papel nina Ramos, Enrile at ng iba pang mga sundalo na lumaban kay Marcos. Sa totoo’y bigo sa kanila ang mamamayan nang sila ang trumangko sa gubyerno makaraan ang pag-aalsa laban sa diktador na nagtapos nuong Pebrero 25, 1986.

 

Ang Edsa ay tungkol sa kolektibong karanasan ng mamamayang lumaban sa batas militar, sa diktador na si Marcos at sa kanyang makinarya ng panunupil. Kolektibong karanasan itong gusto ngayong palitan ng kolektibong amnesia — kalimutan na ang lahat. Move-on na. Kahit pa ayaw maghilom ng mga sugat ng nakaraan. Nananatiling mailap ang katarungan, tatlong dekada matapos ang pag-aala sa Edsa.

 

Madali bang kalimutan ang karanasang ang naging kahulugan ay kamatayan ng halos 3,500; tortyur ng 34,000; pagkakulong sa di halos 3,500; pagkawala ng higit 1,000; pagkakulong ng hindi bababa sa 70,000, at milyong niyurakan ang kalayaang sibil?

 

Kolektibong amnesia at pagbuhay sa ala-ala ni Marcos. Kasabay ng paglilibing sa kanyang labi sa Libingan ng mga Bayani, ay ang lubos na pulitikal na rehabilitasyon ng kanyang pamilya. Dahil hindi sila kayang patawarin ng kasaysayan, mulat nang binubura ngayon ang kanilang mga kasalanan. Nakabalik na sila, kasama na silang nagpapaandar ng gubyerno, nang wala ni gaputok ng pagsisisi o paghingi ng ‘sorry’ sa kanilang mga naging kasalanan.

 

Ayon kay Sec. Ernie Abella, panahon nang lagpasan ang pagdiriwang at pag-alaala sa nakaraan. Kaya kasabay ng isang munting seremonya sa Kampo Aguinaldo sa Pebrero 25, isang malaking rally kontra droga at suporta kay Duterte ang gagawin naman sa Luneta. At hindi malayo na kukundenahin nito ang diwa ng Edsa na tanging angkin lamang ng mga ‘dilawan.’

 

At kasabay ng panawagan ng katarungan para sa mga biktima ng Batas Militar, lalo namang tumitindi ang pamamaslang, nuong una ay sa mga hinihinalang sangkot sa droga, nitong huli, may mga aktibistang pangkalikasan at nagtatanggol ng lupang sinakasaka ang biktima ng mga pagpatay. Ikaila mang extra judicial killings o gawa ng mga pwersa ng estado, ang klima ng impunity na nilikha ng mga pahayag at kautusan ng pangulo ay nakapangingilabot na humantong na sa ganito.

 

Patunay ang mga ito ng bumabalot na tiraniya sa bayan kahit walang pormal na deklarasyon ng batas militar. Nakasuhay dito ang isasalang na pagbabago sa Konstitusyong 1987— ang saligang batas na resulta ng kolektibong pagtanggi ng sambayanan sa diktadura at nang katiyakang hindi na mauulit ito.

 

Taglay ng mga panukala sa chacha ang pagpapasimple ng rekisito sa pagdedeklara ng Martial Law, death penalty (na pinagpapasyahan na ngayon sa Kongreso), pederal na tipo ng gubyerno, at pagpapatindi pa ng neoliberalisasyon para bigyang luwag ang pagdambong ng mga dayuhang negosyo sa yamang likas at ekonomya ng bansa.

Kaya hindi para sa mga Aquino, at iba pang paksyon ng mga elite ang tunay na diwa ng Edsa. Ito’y para sa nilulumot nang kahilingan para sa katarungan. Ito’y gabay ng kasaysayan para sa millenials, at sa patuloy na paggising ng kanilang kamulatan. Ito’y aral sa nagpapatuloy na pakikibaka para sa tunay na demokrasya at soberanya ng mamamayan.

 

Marami pang mga Pilipino ang humuhugot ng lakas sa diwa ng Edsa. Nananalig silang dahil sa karanasang ito na kinilala ng ibang bayan, kaya pa ring mangibabaw ng mga Pilipino sa anumang hamon ng panahon.

 

Mangyayari ito kung sa halip na paglimot, mapanghahawakan natin ang dahilan ng rebolusyon sa Edsa— ang patunay na kailanma’y hindi makapapayag ang mamamayan sa pangingibabaw ng mga tirano at diktador.

 

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN)

Pebrero 25, 2017

 

FacebookTwitterGoogle+Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *