129-C Matatag Street, Diliman, Quezon City 1104 [email protected]

[PAHAYAG] Labanan ang Tiraniya sa Bayan at sa Buong Daigdig

Mural by Alex Uy

Labanan ang Tiraniya sa Bayan at sa Buong Daigdig

 

Walang nalalabi kundi ang magkaisa at lumaban. Siyam na taon na ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Aminado ang mga ekonomista, walang maapuhap na makro-ekonomikong solusyon sa krisis na likas sa sistemang nakabatay sa pagpiga ng labis na halaga at tubo sa paggawa ng mga manggagawa. Napapakita ang lahat ng senyales na ang krisis ay bubulusok nang mas malalim. Ibinubunsod nito ang papatinding panlipunan at pampulitikang krisis na lalong tampok sa US at European Union.

Higit sa lahat, ang krisis ay kondisyon sa papasaklaw na digmang mapanalakay at

mapanghimasok ng US at sa ibayong pagtindi ng tunggalian sa pagitan nito at ng iba pang kapitalistang kapangyarihan. Lumalaki ang peligro ng tuwirang armadong banggaan sa pagitan ng US at pinakamalapit nitong alyado sa NATO, sa isang panig, at Russia, China, Iran at North Korea, sa kabilang panig.

Kinakaharap ng uring manggagawa at mamamayan, sa pangkalahatan, ng bawat bayan, laluna ng mga dinidigma at pinanghihimasukan ng US — Syria, Afghanistan, Iraq, Yemen, Somalia, Venezuela at iba pa ang ibayong hirap at kagipitan.

Ngunit sinasamantala ang sitwasyong bunsod ng krisis at digma at ang hangaring pagbabago ng uri at ng lahat ng inaaping mamamayan ng mga oportunistang partido at personahe—para makapanlinlang at maluklok sa kapangyarihan. Halimbawa ng populista-oportunistang personahe na sumakay sa hirap at kagipitan ng mamamayan at nangangako ng pagbabago nito ay si Donald Trump ng US at Rodrigo Duterte ng Pilipinas. Silang dalawa ay modelo ngayon ng tiranikong paghahari; sa US at sa daigdig si Trump, si Duterte sa Pilipinas. Samantala, lumalakas laluna sa EU ang mga partidong dulong kanan at tahasang pasista.

Malinaw na banta sa mga pantao at demokratikong karapatan ng mamamayan ang paglitaw at paghahari ng mga tiraniko, agresibo at sagad saring reaksyunaryo. Wala silang pakundangan sa paggamit ng karahasan, paglabag sa mga karapatan at pagtutulak ng armadong digma.

Papatinding krisis at paglawak ng pagitan ng iilang naghahari sa malawak na mamamayan

Hindi naglulubay ang krisis. Papalawak ang agwat sa pagitan ng iilang super sa kita at yaman, sa isang panig, at pinakamaraming mamamayang nalulubog sa hirap, sa kabilang panig. Katumbas ng kabuuang kita at yaman ng nangungunang walong (8) bilyunaryo sa mundo, sa pamumuno ni Bill Gates, ng kita ng 50% ng sangkatauhan o 3.6 bilyong mamamayan. Ang pinagsama-samang kita nilang 8 at 1,802 pang bilyunaryo ay nagkakahalaga ng $6.5 Trilyon, katumbas ng kita ng 70% ng sangkatauhan o 5.04 bilyung mamamayan ng daigdig.

Sa Pilipinas, ang kita at yaman ng 50 pinakamayamang tao/pamilya, sa pangunguna ni Henry Sy ay umabot sa $79.47 Bilyon sa taong nakaraan (2016). Ito ay mas malaki nang 294% sa $27B kabuuang padalang pera (remittances), sa parehong taon, ng mahigit 10 milyong OFW (overseas Filipino workers) at iba pang kababayan natin sa abroad.

Hindi nagpapatulo ng pawis at nagbabanat ng buto ang mga super sa yaman para kumita ng bilyon at multi-milyon! Nagpapasasa sila sa pawis, luha at dugo ng bilyong manggagawa at iba pang masang anakpawis, sa kabuuan.

Sa gitna ng krisis na kagagawan din nila, ay mga kapitalista, lalo ang pinakamalalaki, ang higit na pinapaboran ng mga gubyerno, laluna ng mga masugid na nagtataguyod ng neoliberal na disenyo na ang US din ang prinsipal na nagtutulak.

Malinaw ito sa mga kaganapan sa Pilipinas. Pinupuspos ng rehimeng Duterte ang neoliberal na mga patakaran na inumpisahan ng mga naunang administrasyon. Bukod sa

pagpapa-ubaya sa mga pribadong kapitalista ng lahat ng industriya at negosyo, kabilang ang serbisyong panlipunan, sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP), pinagkakalooban pa sila ng mga insentiba sa buwis. Bukod sa pagbabawas sa corporate tax, nananatili ang insentiba na libre sa pagbabayad ng buwis sa unang 4-6 taon laluna ang mga dayuhang korporasyon.

Sa kabilang banda, bukod sa VAT, papatawan ng mataas na excise tax ang mga produktong petrolyo. Lalong tataas ang presyo nito na mabigat na pasanin ng mamamayan. Tuluy-tuloy ang atake sa kabuhayan at karapatan ng mga mamamayan, laluna ng mga manggagawa.

Kamakailan lamang pinagtibay ng administrasyong Duterte, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang Department Order # 174 na nagliligalisa ng kalakaran ng kontraktwalisasyon ng paggawa. Ito ay pabor at naayon sa interes ng mga kapitalista na kinakatawan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP).

Kamakailan din, magarbong inilunsad ang ―Dutertenomics‖ na naka-angkla sa mga ambisyosong proyektong impraistruktura na ang kalakhan ay naumpisahan na sa nakaraang administrasyong Noynoy Aquino. Ngunit parang ngayon lang uumpisahan ang mga proyektong nakabalangkas sa iskemang PPP na nakadepende sa dayuhang investment at pautang.

Sa ibabaw nito ay ang tunay na sentrong programa ng rehimeng Duterte – kapayapaan at kaayusan at seguridad (peace and order and security) para gawing paborable ang klima sa mga dayuhang imbestor. Nasa unahan ang gera laban sa droga. Walang pakundangan ang mga pagpatay at tahasang paglabag sa makatao, demokratiko at legal na mga karapatan. Aabot sa 8,000 na ang napapatay sa digma kontra droga. Karamihan, kundi man lahat ng biktima ay maralita, kasama ang mga minalas na nasali sa listahan. Kamakailan, nalantad ang lihim na bilangguan ng mga suspek na drug user at pusher sa Manila.

Lalong nalagay sa kompromiso ang seguridad ng karaniwang mamamayan. Hindi mo na alam kung sino ang susunod na papaslangin. Samantala ikinumpromiso na ang seguridad at kaisahan ng bansang Pilipinas sa di-paggigiit ng rehimeng Duterte ng internasyunal na pagkilala sa saklaw ng bansa sa West Philippine Sea. Pati ang Benham Rise sa silangang karagatan ng bansa ay ipinahintulot nang ipasaliksik ng rehimeng Duterte sa China.

Damay ang bansa sa eskalasyon ng gera ng US

Kaladkad ang Pilipinas sa mga digma ng US, laluna sa mga probokasyon laban sa China, sa pamamagitan ng paghahamon ng US ng digma laban sa North Korea. At tila din alingawngaw ng papasaklaw na digma ng US ang walang puknat na pagpatay sa mga ginigera ng rehimeng Duterte.

Hindi nakabatay sa paggiit ng pambansang soberanya at interes ng Pilipinas ang kontra-US at kontra-EU na pag-aasta ng rehimeng Duterte at pagpupustura nitong maka-China at maka-Russia. Galit si Duterte sa US at EU dahil sa pagpuna ng mga ito sa madugong kampanya niya laban sa droga. Samantala, pinagtibay naman nito ang EDCA (Enhanced Defense Cooperation) ng US at Pilipinas. Bukod pa, isinusulong din nito ang programa para todong buksan ang bansa sa mga imbestor mula sa US, EU at iba pang bansa.

Nakakagimbal kaysa nakakapanatag hindi lamang ang pagmumura at paghahambog ni Duterte kundi higit ang mga pahayag niyang tulad ng ―China, Russia and the Philippines against the world‖.

Kumakaladkad sa bansa sa bangin ng kapahamakan ang tiranikong paghahari ng rehimeng Duterte at pagpapaubaya nito ng ekonomya at patrimonya ng bansa sa mga pribadong kapitalista, laluna sa mga dayuhan.

Manggagawa at lahat ng mamamayan, magkaisa labanan ang tiraniya at pang-aapi!

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN)

Mayo 1, 2017

 

 

*Mural by Alex Uy

FacebookTwitterGoogle+Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *