129-C Matatag Street, Diliman, Quezon City 1104 natlsect@kpdpilipinas.org

[KAISA KA] Rape nga e, Dapat Seryusohin

Picture1

Rape nga e, Dapat Seryusohin

 

Siniseryoso talaga ang birong ito dahil di-birong mabigat na krimen ang rape.  Krimen nga e, Bakit gagawing biro ang udyukan ang mga sundalo na gawin ito at sagot sila ng presidente?

 

Mawalang galang na po sa senador na tagapagtanggol ni Presidente.  Kaya daw po nagdeklara ng martial law sa Mindanao ay dapat puksain ang mga terorista.  Gera po ito.  At kapag panahon ng gera, lalong sensitibong usapin ang rape.  Ginagamit ang rape ng maraming pwersang nakikipag-gera na bilang instrumento ng digmaan.

May ibang mga pwersang nanggagahasa para hiyain ang kalaban.  Para bagang ang panggagahasa sa kababaihan ng kalabang bansa o lipi o uri ay deklarasyong mahina ang kalaban.

Pinahihintulutan o hinahayaan ng ilang lider na manggahasa ang kanilang sundalo bilang pribilehiyo o bilang premyo sa pagiging mahusay pumatay ng kalaban para lalong ganahang lumaban at pumatay.  Sa gayon, itinuturing na tropeyo ang katawan ng kababaihan.

Bago ipagtanggol si presidente sa kanyang kawalang galang sa kababaihan, tingnan sana natin ang pagkasensitibo ng bagay.  Bakit nga ba umaangal ang kababaihan at ang kalalakihang hindi pa-macho ang kaisipan?

Hindi naman lingid sa ating kasaysayan ang mga panggagahasa sa mga kababaihan sa Asia nuong panahon ng ikalawang gera mundial.   Daan libong kababaihan ang ginahasa at ginawang regular na parausan ng mga sundalo ng Japan.

Lumabas naman sa internet ang ginawa ng mga sundalong US nuong gera sa Iraq na inakusahang may weapons of mass destruction pero wala naman.  Mga kababaihang Iraqi, hinuli’t ikinulong at pinagpasa-pasahan sa iba’t ibang paraan ng pambababoy.

At mas bago pa ang ginagawa ng mga terorista sa Syria at sa Sudan.  Hindi kunwari panggagahasa ang ginagawa dahil pinapakasalan.  Pero kasalan lang para maging legal ang panggagahasa.  Hinihiwalayan ang ilan matapos pagsawaan at ibinibenta sa pamilihan bilang aliping parausan.

Nuong panahon naman ng martial law sa ilalim ni Ferdinand Marcos, ang daming nagdusa nang tahimik, sa inabot na pambababoy ng mga pasistang sundalo.  May mga hinubaran habang nag-iinteroga ang mga tauhan at opisyal ng Military Intelligence Groups, ng CIDG at maraming yunit ng Philippine Constabulary.  May mga ginahasa kahit buntis.  May ginahasa gamit ang barrel ng kalibre 45 pistola.

Senador na tagapangtanggol ni Duterte, karaniwang napupunta na sa kababaihan ang mabigat na epekto ng gera at batas military. Kababaihan ang pinag-aasikaso sa mga bata, mga matatanda at mga maysakit dahil pinaiiwas ang kalalakihan kung hindi man tuwirang lumalahok sa mga labanan.  Sinasabayan pa ng mga sekswal na atake sa kababaihan!

Mga kababayan at kababaihan ng buong daigdig, tutulan ang karahasan sa kababaihan at karaniwang mamamayan.  Ipamukha natin sa mga lider ng mga bayan, biro man o hindi, mali ang udyukang manggahasa ang sinuman.  Sabihin natin sa presidente at sa kanyang mga tagakahol, tungkulin nila ang pairalin ang batas at ipagtanggol ang karapatan ng mga tao.  At wala sa mandato ng halal ng taumbayan ang mang-udyok na mang-abuso.###

 

Pagkakaisa ng Kababaihan para sa Kalayaan (KAISA KA)
Mayo 29, 2017

Kaisa Ka

FacebookTwitterGoogle+Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *