#22-A Domingo Guevara St., Highway Hills, Mandaluyong City,Phils. natlsect@kpdpilipinas.org (+632) 7173262

[PANGISDA] Malayang Bayan, Sapat na Pagkain sa Mamamayan

PANGISDA

Malayang Bayan, Sapat na Pagkain sa Mamamayan

 

Pagkitid, pagkawasak at pagkontrol ng malalaking pribadong korporasyon sa mga pangisdaang komunal ang ibinunga ng kapabayaan at mga neoliberal na programa sa agrikultura ng pamahalaan

 

Nito lamang Hulyo, lumutang ang tone-toneladang isda sa mga ilog at palaisdaan sa Tanza, Navotas.  Nakatitiyak ang mga mangingisda, ang fishkill ay resulta ng nakalalasong singaw ng open dumpsite sa Navotas, ang pinakamalaking tambakan ng basura sa bunganga ng Manila bay.

 

Sa isa pang dako, sa Las Pinas, nakatanggap na ng babala ang higit 50 mangingisda na ibabawal na ang pansamantala nilang paghimpil dito ng bangka.  Nakatakda nang kainin ng reklamasyon ang pansamantala nilang daungan matapos mabili ng isang pribadong korporasyon.  Hindi pa nagtatagal, pinalayas din sa kanilang tirahan ang pamilya ng mga mangingisdang ito at itinapon sa resettlements sa Gen. Trias sa Cavite, 25 km mula sa kanilang pinangingisdaan.  Sila ang pinakahuli sa ngayon,  sa mga pamilyang pinatalsik mula ng angkinin ng mga korporasyong gaya ng SM-MOA ang 25,000 ektaryang Manila Bay Reclamation Area mula 1998 na nagpalayas na ng 37,000 pamilya sa saklaw  ng reklamasyon.

 

Walang patid ang ganitong mga kwento.  Pumapatong sa marami na ring salaysay ng trahedya ng pag-agaw at paghihingalo ng kabuhayan ng 100,000 pamilyang mangingisda sa Manila Bay.

 

Ito ang malupit na bunga ng kapabayaan ng gubyerno at ng buhul-buhol na kasunduang pinasok ng Pilipinas sa neoliberal na programa o “free trade” kabilang ang sa Asean.  Sa mga patakarang ukol dito, prayoridad ang interes ng malalaking pribadong korporasyon kaysa sa kapakanan ng mga anakpawis na umaasa sa mga komunal na pangisdaan at iba pang produktibong yunit sa agrikultura sa buong bayan.

 

Tatlo ang magkakaugnay na sangkap ng patakarang neoliberal na pinaigting sa pangunguna ng imperyalistang US at Britain mula 1980s:  liberalisasyon na nag-aalis ng hadlang sa anumang produktong agrikultural na pumasok sa lokal na pamilihan; deregulasyon o pagtanggal ng lugar ng estado sa buong ekonomya at kontrol ng gubyerno sa  lahat ng negosyo sa public utililities, mineral, water and land resources; at pribatisasyon ng lahat ng negosyo o serbisyong panlipunan at sa gayon ay mapasok ng dayuhang puhunan.  Ipinwersa ito sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagre-estruktura sa ekonomiya na kondisyon sa pautang.  Ito ang naging solusyon ng imperyalismo sa hindi naglulubay nilang krisis.

 

Bumaha sa pamilihan ang imported na bigas, gulay gaya ng bawang, sibuyas, asin, karne, isda at iba pang pagkain na tumatalo sa lokal na produksyon na higit na mataas ang gastos at kabi-kabila ang buwis.  Kaakibat nito ang walang habas na reklamasyon at pagsasapribado ng mga komunal na pangisdaan, land use conversion sa mga sakahin at crop conversion para sa produksyon ng mga komersyal na pananim.

 

Kaya nanatiling bigo ang Pilipinas na magkaruon ng seguridad sa pagkain.  Umaasa sa importasyon at nakatali sa ipagbibili lamang sa kanya ng ibang bayan, kahit ng bigas na pangunahing pagkain. Pinalalim ng neoliberalismo ang balon ng kawalang katiyakan sa paglikha ng lokal na suplay ng pagkain.

 

Upang makaalpas dito at tamasahin ng bayan ang soberanya sa pagkain, nang kasapatang hindi nakasima sa importasyon, sustenido at umuunlad ayon sa antas ng pangangailangan ng lipunan, dapat itaguyod ng pamahalaan ang modernisasyon ng agrikultura kabilang ang pangisdaan, na nakakawing sa tunay na industriyalisasyon,  at ang unang layon ay likhain ang sapat na pagkain.

 

Sa modernisasyon ng agrikultura, dapat paunlarin ang pananaliksik, teknolohiya’t binhi at mekanisasyon. Mangyayari ito sa pundasyon ng tunay na repormang agraryo at pagbabalik ng karapatang komun sa mga katubigan. Bisyon na imposibleng makamit ng Pilipinas hanggang hindi ito tunay na malaya at patuloy na nakatali sa mga hindi pantay na kasunduang neoliberal at imposisyong neokolonyal na ipinuwersang kundisyon sa pautang at ng mga tratado at pagkakataling pulitikal.

 

Sa okasyon ng ika-50 taon ng Asean, ipabatid natin na hindi ang neoliberal na padron ng isinusulong nilang regional free trade area ang kailangan ng Pilipinas.  Ang kailangan natin ay malayang kapasyahan, ang soberanya at kontrol sa rekurso at likas-yaman ay nasa kamay ng mamamayan.

 

Samantala, kagyat na kahilingan ng mga mangingisda sa Manila bay at iba pang pangisdaang komunal ang pagpapatigil ng pagtatambak ng lupa o reklamasyon sa dagat ng mga pribadong korporasyon laluna sa negosyo sa eco-tourism, pagsasara ng open dumpsites at paglutas sa polusyon, at pagsugpo sa lahat ng mapaminsalang paraan ng pangingisda. Sa mga komunidad sa danger areas at tabing dagat  at kailangan ng relokasyon, ang paglilipat sa resetlements na hindi kalayuan sa dagat ngunit ligtas, sapat ang serbisyo at may oportunidad sa hanapbuhay bukod sa pangingisda.  Partikular din nilang hiling na magtatag ng daungan ng mangingisda (fishermens wharf) sa mga pasigang gaya ng sa Manila Bay para mapagaan ang kanilang hanapbuhay sa gitna ng daluyong  ng mga suliraning sa kanila’y humahagupit.

 

Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda (PANGISDA-Pilipinas)

Agosto 3, 2017

 

FacebookTwitterGoogle+Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *