#22-A Domingo Guevara St., Highway Hills, Mandaluyong City,Phils. natlsect@kpdpilipinas.org (+632) 7173262

[PAHAYAG] Amigo

Picture1

Amigo

Best Friends Forever pa rin ang peg ng usapang Trump-Duterte sa Asean

 

“Mananatili tayong pinakamatalik na kaibigan ng America (We remain to be the best of friends with America).”

Ganito sinuma ni Pres. Rodrigo Duterte ang relasyon ng Pilipinas at US, noon at ngayon, sa harap ng mga tauhan at opisyal ng Phlilippine Marines sa Taguig, Nobyembre 7, 2017, isang araw bago ang unang pagkikita nila ni US President Donald Trump sa APEC Meeting sa Vietnam.

Pinakamalaking pwersang sinasaligan ni Duterte sa paghawak sa poder ang AFP at PNP.  Dito siya sumasandal para ipairal ng awtokratikong paghaharing nagpakita na sa kanyang war on drugs at pagkastigo sa mga tutol dito gaya ng Supreme Court, Ombudsman at Commission on Human Rigths.  Hindi na mabilang ang mga opisyal at dating opisyal ng AFP at PNP na binigyan nya ng posisyon sa pamahalaan.

Pero ang lakas at impluwensyang ito ng AFP ang siya ring alas ng US sa patuloy na imposisyon at pagtitiyak ng mga estratehikong interes nito sa Pilipinas. At aminado si Duterte sa malalim na katapatan ng kanyang pwersang panseguridad sa pamamatunubay ng US.

Ito ang katotohanang nakalatag sa likod ng pagkikita ni Duterte at ni Trump, una sa Vietnam sa APEC meeting, at ikalawa sa pormal na usapang bilateral sa Pilipinas sa gitna ng Asean Summit sa Nobyembre 12-15, 2017.  Inaasahang paplantsahin ng dalawang lider ang mga gusot sa relasyon na ibinunga ng mga patutsada ni Duterte laban sa US laluna nuong panahon ni Obama dahil sa pagkwestyon nito sa rekord sa karapatang pantao ni Duterte.

Nag-iikot ngayon si Trump sa Asia― dumalaw sa South Korea, Japan, China, Vietnam bago pumunta sa Pilipinas.  Iguguhit ni Trump ang interes ng Amerika sa Asia.  Pangunahing pakay nito ang pagparusa sa North Korea at pagpwersa ng mga relasyong bilateral para sa lubos na pakinabang sa kalakalan at pagtiyak sa “kalayaan sa nabigasyon,” at Asia Pivot ng pwersang nabal at panghimpapawid ng US.

Bagamat ayon sa Embahada ng US sa Pilipinas, ay kasama sa pag-uusapan ang isyu ng human rigths sa Pilipinas, inabiso na ni Duterte na iwasan nang ihapag ito.  Hindi malayong siya ngang mangyari, dahil masama rin ang rekord ni Trump sa paggalang sa karapatang pantao ng mamamayang Amerkano at sa iba pang bayang dinidigma, ginugulo at dinadambong ng US.

Tiyak, patitibayin nila ang neokolonyal na relasyong itinatag ng Mutual Defense Treaty na sinahuyan pa ng US-PH Visiting Forces Agreement (VFA) at US-PH Enhance Defense Coopoeration Agreement (EDCA).  Konektado rin dito ang iba pang mga kasunduang pulitikal at pangkabuhayan mula pa nuong matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.  Importante ang mga ito sa kasalukuyang mga hakbang ng US sa Asia Pasipiko.  Nuon pang pagpasok ng nakaraang siglo, tinukoy na ng US ang importansya ng Pilipinas sa kanyang geopolitikal na maniobra sa rehiyon, laluna sa pag-abot sa China.

Sa pahayag ng mananakop na si Hen. Arthur MacArthur, 1900, ang Pilipinas ang “Pinakamagandang kapuluan sa mundo… walang katulad ang estratehikong pagkakaposisyon sa daigdig…  [at] nagbibigay ng mga kaparaanan upang ipagtanggol ang interes ng Amerika na kahit gumamit lamang ng kakaunting pwersang pisikal ay agad na may bentaheng posisyon upang hadlangan ang anumang pananalakay.”

Pangliyabe ng imperyalistang US ang impluwensya nito sa AFP, ang bilyong dolyar na remittances ng Filipino expats sa US, at malalaking kapital at interes ng mga korporasyon at bangko sa ekonomya ng Pilipinas.  Ito ang pinakamabisang pamitik para umayos ang bibig at pakikipaglaro ni Duterte sa China at Russia.

Malaking suporta din ang tatamasahin ng gubyernong Duterte sa pagpaplantsang ito ng “gusot.”  Dahil kahit bulok at tiraniko ang gubyernong tagapangasiwa ng neokolonyang Pilipinas, susuportahan ito ng US tulad ng pag-aalaga nito sa diktador na si Marcos, matiyak lamang ang kanyang mga interes dito.   Kung hindi’y kayang palitan ito ng US sa anumang paraan, gaya ng mga lider o diktador sa ilang bayan na naging hindi na kapakipakinabang sa US sa nakaraang mga panahon, gaya ng ginawa kay Marcos sa dulo.

Pinatunayan na ng nakaraang isang taon ng gubyernong Duterte na pawang patutsada lamang ang kanyang mga biradang kontra-US.  Hindi ito sumalin sa pagbabasura sa mga hindi pantay na kasunduang gaya ng EDCA.  Hindi ito nagsilbi kahit na katiting sa pangakong iaangat ang kabuhayan ng mamamayan halimbawa na, sa paglalansag ng kontraktwalisasyon sa paggawang kanyang ipinangako.  Hindi rin siya naiba sa kalupitan ng diktador na si Marcos.  Lalo nitong itinali sa gipit at hindi pantay na katayuan ang relasyong panlabas sa pakikipagmabutihan  sa China.

Wala nang ibang pwedeng gawin ang mamamayang Pilipino kundi ang ilantad at tutulan ang mga kasunduan at relasyong ito na nagpapanatili ng atrasadong kaayusan ng Pilipinas.  Kailangan nang ibasura ang lahat ng mga tratado, at tanggihan ang mga gagawin pang tratado na nagkakait ng progresibong ekonomya, malayang kaayusang pulitikal at independyenteng patakarang panlabas ng Pilipinas.  Dapat nang igiit ang tunay na soberanya ng mamamayan,  palayain ang bayan sa panganib na masangkot sa mga gera ng US at sa panlipunang pagkabansot na iniluwal ng neokoloyal na relasyong sumaklot na sa kung ilang henerasyon ng mga Pilipino.

 

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (Kilusan)

Nobyembre 11, 2017

FacebookTwitterGoogle+Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *