#22-A Domingo Guevara St., Highway Hills, Mandaluyong City,Phils. natlsect@kpdpilipinas.org (+632) 7173262

[PAHAYAG] ASEAN Integration at RCEP: Larangan ng Kumpetisyon ng US, China at iba pang kapitalistang kapangyarihan

Picture2

ASEAN Integration at RCEP:

Larangan ng Kumpetisyon ng US, China at iba pang kapitalistang kapangyarihan

 

Sa higit na kapahamakan ng mga mamamayan, lalo ng mga manggagawa

Halos tatlong dekada na ang ASEAN nang pormal na simulan ang proseso ng integration nuong Enero 28, 1992.  Nilagdaan ng anim na bayang miyembro nuon ng asosasyon ang kasunduan para sa pagtatatag ng ASEAN free trade area (AFTA).  Ang mga ito ang mga pundador ng ASEAN nuong 1967 – Indonesia, Malaysia, Philippines, Singapore at Thailand—at ang Brunei na sumapi nuong 1984 .

Ikinahon ang AFTA sa neo-liberal na disenyo ng pag-aalis ng mga taripa at hindi taripang hadlang sa malayang paggalaw ng kapital at kalakal, kabilang ang lakas-paggawa ng manggagawa. Sa pamamagitan nito, makakamit ang magkatambal na layunin sa pagbubuo ng AFTA—itaas ang kakayahan ng ASEAN na maging erya ng produksyon para sa pamilihan ng rehiyon at daigdig at, maka-akit ng papalaking dayuhang pamumuhunan (foreign direct investment).

Ginawang kondisyon sa pagsapi sa ASEAN ang paglagda sa Kasunduang AFTA. Kaya, napaloob na agad ang mga nagmiyembro sa ASEAN mula 1992– Vietnam (1995), Laos at Myanmar (1997), at Cambodia (1999) sa programang economic integration ng ASEAN.

Napagkasunduan, nuong 2000, ang programa sa unti-unting pagbabawas ng taripa hanggang 5%- 0% sa mga produktong ine-export at iniimport sa isat-isa ng mga bayang kasapi ng ASEAN. Ang deadline para abutin ito ng unang anim na miyembro ay nuong 2010 at para sa huling apat ay 2015.

Sa ika-27 ASEAN Summit sa Kuala Lumpur, Nov 2015, pinasinayaan ang Asean Economic Community (AEC) at inilunsad ang AEC Blueprint 2025.  Ikalawang yugto ng proseso ng ASEAN Integration ang Blueprint 2025 na, modelo ay European Union (EU), matatamo ang mas maunlad at matibay na kaisahan ng asosasyon pagdating ng 2025.

Sa gayon, sa kabila ng AFTA, na susi sa ASEAN integration lilitaw nuong 2015, na sa kabuuang pakikipagkalakalan ng bawat bansang kasapi ng ASEAN, 20% lamang ang sa pagitan nila samantalang 80% ang sa mga bansang labas ng ASEAN.  Ito’y sapagkat malayo pa ang 2015, sunud-sunod na kasunduan sa “malayang kalakalan” ang nabuo sa pagitan ng ASEAN at ng: China (nilagdaan 2002, naging epektibo 2010); India (nilagdaan 2003, naging epektibo 2010); Australia-New Zealand (nilagdaan 2005, naging epektibo 2012); ASEAN- Japan Comprehensive Economic Partnership (2008); at, ASEAN- Korea FTA (2009).

Sa ganitong katayuan ng mga kasunduan sa “malayang kalakalan” itinulak ang konsepto at proseso para sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).  Bagaman itinatanggi ng China, may

batayan ang mga hinala na ito ang nasa likod ng RCEP bilang pantapat sa naunsyaming Trans-Pacific Partnership (TPP) ng US. Sinimulan ang negosasyon para dito nuong 2012.

Bubuuin ng 10 bayan ng ASEAN ang RCEP at ng 6 na bayang may kasunduan ito sa “malayang kalakalan”.

Sa gayun, magiging bahagi lamang ang AEC ng RCEP na pagsasaluhan ng nagkukumpitensyang China, pangalawang pinakamalaking ekonomya sa daigdig; Japan, pangatlong pinakamalaking ekonomya; India- pangpito; South Korea- panglabing-isa; at Australia,  panglabintatlo. Nakatakdang isara ang usapan sa pagbubuo ng RCEP ngayong 2017. Nakaabot sa kasunduan ang mga ministro/kalihim sa ekonomya at kalakalan ng 16 na bayan nitong Oktubre. Ihahapag ito para sa desisyon ng ASEAN summit sa Manila sa Nob. 13- 15, 2017

Bilang isang pang-ekonomyang bloke, ang ASEAN na may kabuuang GDP na $2.4T ay pang-anim na pinakamalaking ekonomya sa daigdig. Kapag nabuo, ang RCEP ang magiging pinakamalaking pang-ekonomyang bloke― may kabuuang GDP na $23.68T (2016) at kabuuang populasyon na 3.5 bilyon.

Naging isa sa mga pokus ng tunggalian sa pagitan ng imperyalistang US at China at iba pang kapitalistang kapangyarihan ang ASEAN na nagsimulang independienteng pagsisikap nuong 1967. Nauna sa lahat na nakapwesto rito ang China, dahilan para mag-aktibo at maging agresibo ang US sa pagdalo sa ASEAN mula 2009 sa pag-upo ng gubyernong Obama.

Hindi kasali sa RCEP ang US.  Naunsyami ang itinulak nitong TPP, na sadyang hindi isasali ang China, nang bitawan ito mismo ng US pag-upo ni Trump. Natatakam ngayon ang US sa RCEP.  Subalit ang layunin nito sa Asia-Pivot at pag-aaktibo sa ASEAN ay para agawin sa China ang lumawak at lumalim na impluwensya nito sa buong Asia-Pacific.  Tuwirang banta ito sa paghahari ng US sa daigdig.

Para sa interes nito, hangad ng US na makasali sa RCEP at kung hindi, guguluhin ito. Ngunit maliwanag na malaking problema ang haharapin nito sa kanyang mga “alyado”—Japan, India, South Korea at Australia, sumali man siya sa RCEP o guluhin ito. Sa bigong TPP, sa umpisa pa lamang, nagbrasuhan agad ang US at Japan; US at Canada; US at Australia, kasangga ang New Zealand.

Kaya lalong pinaiinit ng US ang paghahamon at paghahanda sa gera laban sa North Korea. Inaabala nito ang lahat ng “alyado” at tinatangkang gitgitin at ihiwalay ang China, kasama ang Russia.

Ano ang kinahinatnan ng mga mamamayan, laluna ng mga manggagawa, ng ASEAN sa kondisyon ng Asean Integration?

Mayruon nang 89 bilyunaryo sa dolyar (dollar billionaires) ngayong 2017 sa ASEAN na may 638 milyong populasyon. Bukod sa nalilimas ng mga dayuhang investors, natitipon sa kamay ng iilang super-yaman ang kabuang labis na kita sa bayan na kinaroroonan nila.  Kinabibilangan sila ng 21 Singaporean, 20 Indonesian, 20 Thai, 14 na Pilipino, 12 Malaysian at 2 Vietnamese.   Katumbas ang kanilang sama-samang kita at yaman na $270.8B ng 8.9% ng kabuuang GDP ng ASEAN.

Sa kabilang dulo ay 94.3 milyong mamamayan o 15% ng populasyon ng Asean ang nagdarahop sa kulang $2 na kita bawat araw. Sa Pilipinas na may 14 na bilyonaryo, naghihikahos ang 13.11% ng populasyon o 13.4 milyong Pilipino sa kitang kulang $2 sa isang araw. Sa Indonesia, na may 20 bilyunaryo, nagdidildil ang 15.9% ng populasyon o 41.8 milyong Indonesian sa kulang $2 na kita bawat araw. Matindi ito, sapagkat ang populasyong 103 milyon ng Pilipinas at 261 milyon ng Indonesia ang bumubuo ng kalahati (50%) ng 638 milyong populasyon ng ASEAN.

Pilipinas at Indonesia rin ang una at pangalawang may pinakamataas na tantos ng walang trabaho o hanapbuhay. Batay sa opisyal na ulat ng ILO, nuong unang kwarto ng 2017 ang tantos ng walang trabaho sa Pilipinas ay 5.6% at sa Indonesia, 5.5%.

Saksi tayo sa katotohanang ito sa ating bayan. Bukod sa papalaking bilang ng walang trabaho o hanapbuhay, ang kontraktuwal na pagtatrabaho ng higit na malaking bilang ng tinuturing na may trabaho. Sa kabuuang bilang ng may trabaho, ang 47% ay nagsasariling hanapbuhay o self-employed. Kabilang dito ang aabot sa 3.5 milyong katao na nakadepende sa operasyon ng publikong transportasyon. Mawawalan sila ng hanapbuhay sa pagpawi ng “lumang” public utility vehicles (PUVs).

Karamihan sa walang hanapbuhay at nagsasariling hanapbuhay ay biktima rin ngayon ng kabi-kabilang demolisyon ng mga maralitang kumunidad. Pinapalis ang mga ito para sa nakadepende sa dayuhang pautang at pamumuhunan na programang “Build, Build, Build” ng tiranikong rehimeng Duterte.

Sa harap ng mapaminsalang Asean Integration at RCEP, kailangang pahigpitin ang pagkakaisa at ugnayan ng mga manggagawa, kasama ang mga nagsasariling kayod at walang trabaho, ng buong ASEAN. Sa unahan ng mamamayan, patindihin nila ang paglaban sa magkatambal na halimaw na itong likha ng neo-liberal na disenyo ng pandaigdigang kapitalismo.

 

 

Workers for People’s Liberation (WPL- Makabayan)

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN)

Nobyembre 11, 2017

FacebookTwitterGoogle+Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *