#22-A Domingo Guevara St., Highway Hills, Mandaluyong City,Phils. natlsect@kpdpilipinas.org (+632) 7173262

[PAHAYAG] ASEAN at Militarisasyon ng Rehiyon

Picture3

ASEAN at Militarisasyon ng Rehiyon

 

Tulad ng ginawa ni US President Donald Trump sa lahat ng bayan na kanyang pinuntahan sa kanyang unang byahe sa Asia, asahan nang mananawagan siya sa Summit ng ASEAN na magkaisa at manindigan laban sa patuloy na pag-aarmas ng North Korea.  Pero, malalagay sa alanganin ang mga lider ng ASEAN kung tatalima sila kay Trump.  Hindi lang naman ang North Korea ang naghahanda ng mga armas na pandigma, lalo na ng armas nukleyar, sa Asia Pacific.

Hindi inuurong ang US Pivot

Gayong inurong ni Trump ang Trans-Pacific Partnership, ang pang-ekonomyang bahagi ng estratehiyang Asia Pacific Pivot o Rebalance, walang deklarasyon kung ipagtutuloy o iaatras ito. Patuloy ang pagpwesto ng 60% ng pwersang panghimpapawid at pangdagat sa layuning mapanatili ang dominansya nito sa rehiyon at sa daigdig at halos naabot na ito bago pa ang 2020, ang takdang taon para abutin ang target.

Aabot na sa 60% ng buong fleet ng US Navy ang Pacific Fleet na binubuo ng Seventh at Third Fleets. Nasa ilalim ng kumand ng Pacific Fleet ang Naval Air Force- Pacific, ang Naval Surface Forces- Pacific at ang Naval Submarine Force-Pacific.  May shore commands din sa ilalim nito, sa Korea, Japan at Marianas.

Nasa ilalim ng control ng US Marine Forces Pacific ang 2/3 ng buong US Marines Corps Forces: ang Ist Marine Expeditionary Force (MEF), na nakahedkwarter sa Camp Pendleton sa California at ang III Marine Expeditionary Force, na nakahedkwarter sa Okinawa.

May pwersa sa Japan (5th), Korea (7th) at Alaska (11th) ang US Pacific Air Force at may dalawang squadron ng F15’s, dalawang squadrons ng F-22’s, limang squadron ng F-16s, isang squadron ng A-10 aircraft, dalawang squadron ng E-3 early warning aircraft, mga tanker, liban pa sa B-52, B-1, at B-2 long-range bombers.

Gamit ng US, hindi lamang ang mga base nito sa Japan at Korea kundi maging ang mga pasilidad militar na pag-aari ng dalawang estadong ito.  Nagagamit din ng US ang mga pasilidad ng mga alyado at partner nito para sa military exercises, pag-iimbak ng kasangkapan, paniniktik at pamamahinga ng mga sundalo.  Nag-aambag ang Japan ng taunang $2 bilyon para sa pagmamantini ng 54,000 sundalong US sa Japan samantalang $900 milyon bawat taon naman ang ambag ng Korea para sa 28,500 sundalong US.

Bagama’t naalis sa US ang akses sa mga pasilidad militar ng Cambodia, lumawak naman ang akses nito sa India, patuloy na nagagamit ang mga pasilidad militar ng Pilipinas, ang halos lahat ng maliliit na teritoryo sa Pasipiko at naaayos muli ang akses sa New Zealand.

Hindi pag-uusap ang isinusulong ng US sa North Korea.  Gera ang mensahe sa mga paglipad ng bombers sa North Korea at ang tri-carrier exercise ng US malapit sa Korea.  Walang duda, US ang pangunahing dahilan ng militarisasyon sa AsiaPacific.

Ambisyon ng China at pagpapalakas nito bilang pwersang militar

Hindi itinago ng China ang ambisyon nitong maging katamtamang maunlad na bayan sa ika-100 taon ng Partido Komunista ng China (2021) at maging “modernong sosyalistang bayang masagana, malakas, demokratiko, may abanteng kultura at nagkakasundo” sa ika-100 taon ng tagumpay ng rebolusyon (2049).

Hindi nito itinatagong kailangan ang malakas na sandatahang lakas para maabot ang kanilang pinapangarap.  Batid nitong pinaghahandaan itong gerahin ng US, at siya ang ultimong tumbok ng pagbabanta ng US ng gera sa North Korea. At, pwedeng tumulong sa US ang ilang bayan sa Asia at iba pang bahagi ng daigdig.

Niliitan man ang lakas tauhan, at ang Navy lang ang pinalaki, ang sandatahang lakas ng China pa rin ang pinakamalaki sa daigdig. Pero hindi pa masasabing ito ang pinakamalakas at pinakaepisyente.  Walang karanasan sa digmaan ang mga tauhan nito at pinupunuan ang kawalang karanasan ng pagsasanay at pakikipag-aralan sa mga sandatahang lakas ng ibang bayan tulad ng Russia, Pakistan, Thailand at iba pa.

Nagdudulot ng pag-aalala sa maraming bayan sa Asya ang pagpapalakas na ito ng pwersa-militar ng China.  Lalo’t nagtayo na ito ng base sa Djibouti sa East Africa at ginagamit ang kanyang sandatahang lakas sa paggigiit ng kanyang “soberanya” sa mga pinag-aagawang mga teritoryo sa South China Sea (SCS), sa East China Sea at sa hangganan nila ng India, nagiging dahilan ito ng ibang bayan para magpalakas din ng kanilang mga pwersang militar.

Hindi usapin ng pagpili ng papanigan

Habang nagdaraos ng ASEAN summit, isinasagawa naman ang unang ASEAN maritime exercise sa karagatan malapit sa Thailand.

Wala mang maling magsanay nang sama-sama, hindi ang ibayong militarisasyon ng rehiyon ang sagot sa todong paghahamon ng US ng gera, o sa pagtitesting ng Korea ng mga missiles o sa patuloy na paggigiit ng China ng kanyang “soberanya” sa mga isla at bahura sa SCS.

Higit na pinsala sa mamamayan ng Southeast Asia, East Asia at kahit sa ibang bahagi ng rehiyon kung sasabak muli sa gera ang Japan, Australia at Korea, ayon sa direksyon ng US.  Masakit na sa kanilang budget ang gastos ng pagpapalaki ng bilang ng mga sundalo at armas, (kabilang sila sa pinakamalaking gumastos sa militar sa buong daigdig) isusubo pa nila ang mamamayan sa walang katulad na pasakit.

Wasto lamang na huwag bitawan ng mga bayan sa ASEAN ang paghahanap ng kaisahan sa Code of Conduct sa South China Sea habang hindi pa nalulutas ang mga isyu sa hangganang teritoryal.

Hindi dapat pumili ang ASEAN kung kanino hahanay sa pagitan ng China at US.  Kasabay ng pagtutulak sa ASEAN na paborable sa kalakalan at pamumuhay ng mamamayan, ang pagtutulak sa ASEAN bilang sona ng kapayapaan at walang kinikilingan.  Panahon nang pumusisyon ito laban sa gera at armas nukleyar.

Malayo mang magkaisa rito ang mga gubyerno ng  mga bayan ng ASEAN, dapat pahigpitin ng mamamayan ng ASEAN ang  pagkakaisa at ugnayan para ipaglaban ang mga  adhikain sa kasarinlan at pagtutulungan  at isulong ang maunlad at mapayapang rehiyon na malaya sa panghihimasok ng US at China at ng iba pang kapangyarihan sa ekonomya at militar.

Ngayon pa lamang, kailangang labanan ang pagpapalaki ng gastos sa pagpapalakas sa militar at paghahanda sa digmaan. Ipaglaban ang paglalansag ng mga sandatang nukleyar at bio-chemical at ang pagbibigay ng bayad-pinsala sa mga biktima ng mga bio-chemical na armas ng US.  Ipaglabang gamitin sa pagpapabuti ng serbisyong panlipunan at paglikha ng produktibong trabaho ang winawaldas sa militarisasyon at paghahanda sa digmaan.###

Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN)

Nobyembre 12, 2017

FacebookTwitterGoogle+Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *