#22-A Domingo Guevara St., Highway Hills, Mandaluyong City,Phils. natlsect@kpdpilipinas.org (+632) 7173262

[EDITORYAL] Ratsadang Cha Cha at Madyik sa Eleksyong 2019

for website

EDITORYAL

 

Ratsadang Cha Cha at Madyik sa Eleksyong 2019

 

Dalawang taon nang inilalatag ng rehimeng Duterte ang awtokratikong paghahari. Nagkamal na ito ng higit na kapangyarihan sa nagdaang taon, ng kontrol sa Korte Suprema (KS) at Ombudsman―mga hakbang na pawang pagsalaula sa Konstitusyong 1987 at sagasa sa rule of law at judicial process.

 

Naging emosyonal ang pagtutol ng anim na mahistrado ng KS sa labag sa Konstitusyon na paggamit ng “quo warranto” kay Chief Justice Ma. Lourdes Serreno makaraang hindi napatibayan ang bintang sa kanya upang ito ay ma-impeach. Mariing kinondena rin ito ng Integrated Bar of the Philippines; ng 135 na dekano at propesor ng Colleges of Law ng iba’t ibang unibersidad; at, ng International Commission of Jurists (ICJ).

 

Nakontrol ng rehimen ang Ombudsman sa pagretiro ni Conchita Carpio-Morales at pagkahirang kay Samuel Martires na kahihirang lang sa KS bilang kapalit ni Morales. Sa pagtupad ni Martires sa utos ng Malakanyang, napatalsik si Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang. Sa pagsipa kay Carandang, natapos din ang bantang imbestigasyon ng P2 bilyong tagong yaman ni Duterte.

 

Sa paglagay kay Martires sa Ombudsman at sa “quo warranto” kay Serreno, dalawang posisyon sa KS ang nabakante. Itinalaga na bagong mahistrado ng KS sina Ramon Paul Hernando at Rosmari Carandang. Sa gayon, pitong (7) mahistrado na ng KS ay appointees ni Duterte. Ang 8 pa ay mga hinirang ni GMA at ni Noynoy Aquino. Sa gayon, malaking mayorya na ng mga mahistrado ay Duterte at GMA appointees.

 

Nagalit, nainis, naaliw ang madlang nakapanuod sa TV sa agaw-eksenang kudeta ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) kay Pantaleon Alvarez, sa pagka-speaker ng House of Representatives (HoR) nitong nakaraang SONA ni Du30. Inamin ni Sara Duterte at Imee Marcos na sila ang nasa likod ng garapalang pag-agaw ng kapangyarihan sa HoR. Kumpirmasyon ito na pangkating Duterte-Arroyo- Marcos (DAM) ang nasa sentro ng kapangyarihan.

 

Ilang linggo bago ang filing of certificates of candidacy para sa eleksyong 2019, naglabas ang bagong speaker at mga kasapakat na kongresista ng panukalang bagong Konstitusyon na ipapalit sa Konstitusyong 1987. Maagap na tinuligsa ito ng Senado at ilang organisasyon at personalidad. Gayunman, hindi naglubay sa maniobrang Cha Cha sina GMA at 35 kasapakat sa HoR. Pakana nilang kanselahin ang eleksyong 2019, kundi man, isingit sa eleksyon ang reperendum sa pagbabago ng Konstitusyong 1987.

 

Buod ng lahat ng aspetong kontra-demokratiko, maka-dinastiyang pulitikal at maka-dayuhan ng apat na naunang panukalang konstitusyon kabilang ang Federal Constitution ng Puno committee, ang Konstitusyong Duterte-Arroyo. Niratsada ito sa plenaryo ng HoR, bilang Resolusyon ng HoR at Senado o Resolution of Both Houses (RBH) No.15. Mabilis na dumaan ito sa una at ikalawang pagbasa. Lalong pinaspasan sa ikatlo at pinal na pagbasa, Disyembre 11, 2018. Bumoto ng YES ang 224 representante, tutol naman (NO) ang 22, at 3 ang hindi bumoto. Sa madaling sabi, ¾ o tatlong- ‘kapat ng mga representante ang nagpatibay ng Konstitusyong Duterte-Arroyo. Senado na lamang ang kailangang mag-apruba para maisalang na ito sa reperendum-plebisito at maisabay sa eleksyon sa Mayo 2019.

 

Maagang pumusisyon ng kontra- Cha Cha ang Senado. Sa kabila nito, tinangka ng ganid sa kapangyarihang si GMA na kumbinsihin para dito si Sen. Tito Sotto at iba pang senador. Ngunit malabong patulan ng Senado ang RBH 15 sa pagbukas muli nito at ng HoR sa Enero 14 hanggang Pebrero 8, 2019.

 

Malayo pa ang kampanya sa eleksyon, todo-todo na sa pangangampanya ang mga kandidato ni Duterte, gamit ang salapi at rekurso ng gubyerno. Nakumpirma ito sa bangayan nina DBM Sec, Benjamin Diokno at House Majority Leader Rolando Andaya, Jr. sa isyu ng “pork barrel”. Bago ang Disyembre 25, nakapaskel na sa mga pader ng munisipyo o city hall at mga lansangan sa buong kapuluan ang mga mukha ng mga kandidato ni Duterte, laluna ng kanyang paboritong si Bong Go.

 

Sinasabi nito na matindi ang labanan sa eleksyong 2019, laluna sa pagka-Senador. Bukod sa paglarga ng mga rekurso at pondo ng gubyerno para sa mga kandidato ni Duterte, idaraos ang eleksyong 2019 sa kondisyong umiiral ang martial law at suspensiyon ng writ of habeas corpus sa Mindanao. Umiiral sa buong bansa ang state of emergency sa pamamagitan ng hindi binabawing Proclamation no. 55.

 

Mabigat na hamon ang kinakaharap ng mga pwersang demokratiko at mga nagpapahalaga sa kalayaan at mga karapatan ng mamamayan. Kailangang nagpupukaw at naglilinaw sa paparaming mamamayan ang ilang kandidato at higit na nakakaraming di-kandidato, na pakitunguhan ang eleksyong 2019 bilang larangan ng labanan sa pagitan ng demokrasya at tiraniya.K

 

Mula sa KILUSAN (Opisyal na Pahayagan ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya) | Taon 12 Bilang 2 | Disyembre 31, 2018

FacebookTwitterGoogle+Share

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *