#22-A Domingo Guevara St., Highway Hills, Mandaluyong City,Phils. natlsect@kpdpilipinas.org (+632) 7173262

Short Story

‘Sang Minutong K’wento

EBOLUSYON

Ni Rene Bornilla

4

Pebrero 17, 2016, umaga pa lang ay ramdam na ang tension sa paligid. Sa itinakdang “command post” ng unyon sa isang sulok ng kantinang matatagpuan sa harap ng gusali ng kompanya ay samu’t-sari ang mga alalahanin.

Pangunahin dito ang tungkol sa sitwasyon ng kaisipan ng mga manggagawang boboto sa araw na iyon upang pagpasyahan kung gusto ba nila ang isang UNYON upang katawanin sila sa loob ng pagawaan o hindi. Ikalawa ay ang mga maari pang gawin ng manedsment sa maghapong lilipas habang ginaganap ang eleksyon, dahil sa ipinamalas nitong garapalang mga hakbang laban sa unyon nitong nakalipas na ilang linggo ng kampanyahan.

Ang alalahanin ay bunga ng mahigpit na kampanya ng manedsment, na ginawa ang lahat ng paraan at porma ng mga iligal na aktibidad upang mapigilan ang mga manggagawa sa pagsusulong ng karapatan nito sa pag-u-unyon.

Ginamit nito ang mga line leaders at supervisors na hayagang nangampanya upang siraan ang unyon na diumano ay “nagpapasara ng mga kompanya”, at “pagsasara din ang tutunguhin kung mananalo ang union sa gaganaping eleksyon”. At kahit mismo ang mga pinuno ng kanilang HR ay ganun ang linya ng mga pananakot sa mga manggagawang selektibong ipinatawag upang kausapin.

Ang mga hakbanging ito ng kompanya ay tinumbasan ng unyon ng isang seryosong kampanya upang mag-eduka at ipabatid ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang samahang itinatag, pinamumunuan at pinatatakbo ng mga manggagawa na nagsusulong ng kagalingan ng mga manggagawa at malaya sa kontrol ng kapitalista. Pinayapa rin ang isipan ng mga nahintakutan sa mga pagbabanta ng kompanya na diumano ay isasara ang planta kung mananalo ang unyon sa eleksyon. Sa isang banda ay kinondisyon ang mga isipan sa reyalidad ng maaaring pagsidhi pa ng mga panggigipit habang papalapit ang eleksyon, ngunit pansamantala lamang ito at sa huli ay tutungo rin sa pagnonormalisa ng sitwasyon, kung mananalo ang unyon sa eleksyon.

Sa kabila ng garapalang istilo ng atake ng kalaban ay maginoong tumindig at nagtanggol ang unyon. Direktang inilahad ang mga plataporma at mga panghinaharap nitong plano na hindi lamang humahangga sa mga regular na manggagawa kundi maging sa mga manggagawang kontraktwal na halos bumubuo ng animnapung porsyento ng buong populasyon ng planta. May kahinahunang sinagot ang mga isyu at hindi pumatol sa maruming istilo ng kabila.

Subaybay ng kompanya ang tinakbo ng kampanya ng unyon. Kaya nga noong umagang iyon ng eleksyon ay bakas din ang tensyon sa kabilang kampo. Sila man ay di makatiyak sa kalalabasan ng botohan sa araw na iyon. Tanaw mula sa command post ng unyon ang kaabalahan sa loob ng planta na kung saan ay tila pusang hindi maihi si Madam na pabalik-balik mula sa tanggapan ng HR at lugar ng training room kung saan gaganapin ang eleksyon. Hindi man dinig sa lugar ng command post ang kanilang mga usapan ay malinaw sa kilos ni Madam na nagbibigay ito ng instruksyon sa kanyang mga alagad na tulad niya ay labis rin sa pagiging abala. Hindi normal ang ikinilos ng manedsment sa umagang iyon. Sa isang certification election kasi ay ipinagbabawal ng batas ang direktang pakikialam ng manedsment, kaya nga ayon din sa batas ay “bystander” lamang sila sa mga ganitong aktibidad ng mga manggagawa.

Isa sa mga pinakaabala ay si Pekto, na bagama’t nasa kategorya ng isang sampling manggagawa lamang ay kakaiba ang papel nito noong umagang iyon. Tanaw mula sa command post ng unyon ang pagiging abala nito sa pag ikot-ikot sa loob ng planta, pagkausap sa mga ‘bisor at maging sa mga guwardiya, na animo ay mas mataas ang katungkulan sa mga nabanggit.

Kung babalikan ang kasaysayan, sa mas maagang panahon o noong Pebrero 24, 2015 ay pormal na ipina-rehistro ng kompanya sa DOLE ang isang konsehong binubuo ng tig-tatlong representante mula sa kompanya at sa hanay ng mga manggagawa, upang maging daluyan diumano ng mga programa ng kompanya at isyu ng mga manggagawa tungo sa isang istableng relasyon. Pangunahin si Pekto sa representante ng mga manggagawa sa konsehong ito na taliwas sa inasahan ng mga manggagawa na magiging daluyan ng kanilang mga hinaing, ay ginamit pang instrumento ng kompanya sa isinagawa nitong kampanya laban sa unyon. Sa maraming pagkakataon ay ang representate nilang si Pekto mismo ang nanguna sa mga pulong ng mga manggagawa na pinayagan ng manedsment na maganap sa loob ng planta at kung saan tinalakay ang paninira sa unyon at ang bantang pagsasara kung mananalo ito.

Noong umaga ngang iyon ng Pebrero 17, 2016 ay tanaw ng mga manggagawang nasa command post ang pagiging abala ni Pekto. At dahil alam nila ang naging papel nito sa nagdaang ilang linggo sa panig ng kompanya ay hindi na nila ito ikinagulat. Ang inis nila sa kasamahang pumakabilang-bakod ay idinaan na lang sa biruang naghatid ng halakhak sa bawat isa.

Dati ay ‘buwaya’ lang ‘yan noong isang araw, ang bilis naman yata at ‘dinosaur’ na s’ya ngayon.”- ang sarkastikong komento ng isa.

Tama lang yan na samantalahin n’ya ang pagiging prinsipe ngayong araw na ito. Dahil pag lumipas ang gamit sa kanya nila Madam ay babalik ‘yan sa pagiging alipin bukas!”- ang mas malupit na deskripsyon ng isa pa.

HA, ha, ha, ebolusyon ang tawag d’yan, parang ‘yung tao daw ay galing sa unggoy. Wala nga lang balimbing sa lahi ng mga unggoy.”- habol ng isa pa.

Ang eleksyon ay nairaos. Bandang ika 4:00 ng hapon habang nag-uumpisa ang bilangan ay kakaiba ang katahimikan ng paligid. Kahit ang hangin at tila ba tumigil sa pag-ihip dahil sa alinsangang hatid ng papalubog na araw.

Sa command post ay natanggap na ang isang text message mula sa kasamang nasa loob ng “presinto” ilang minuto lang ang nakaraan matapos umpisahan ang bilangan na nagsasabing nakakalamang ang manedsment.

Ito ay kinumpirma nang magsimula ang sigawan ng mga manggagawang kontraktwal na nasa building #3 na kinalalagyan ng mga taga-suporta ng “NO”, at katapat lamang ng building #4 na kinalalagyan naman ng mga taga-suporta ng unyon. Maya-maya pa ay tuluyan nang luminaw kung sino ang nanalo dahil naglabasan na sa pasilyo ng bawat palapag ng building #3 ang mga manggagawa, na sa bibihirang pagkakataon tulad niyon ay hindi sinaway ng manedsment sa pagtigil sa kanilang mga gawain.

Ilang sandali ay makikita si Madam na halos patakbong naglalakad mula sa dako ng training room patungo sa building #3 at itinataas-baba ang mga kamay na tila ipinag-uutos na lakasan pa ang sigawan. Dahil dito ay lalong dumagundong ang sigawan ng mga kontraktwal at ilang regular, na may kasamang sigawan ng “boo” at ipinapatungkol sa mga manggagawang taga-suporta ng unyon na nasa katapat na building, habang sa centralized na speaker ay nakatodo ang volume at kinakanta ang kantang “We Are The Champion” ng bandang QUEEN.

Sa command post ng unyon ay kalmadong tinanggap ang pagkatalo at inisyal itong trinato bilang pansamantalang pagkabalam sa gawaing pag-u-unyon. Agad na ipinakita sa mga kasaping nandoon ang mga bahagi ng pagkukulang na dapat mapunuan sa susunod na isang taon kung saan maaring magsampa ang unyon ng isang petisyon upang muling idaos ang isang eleksyon.

May isang hindi maitago ang inis at nadala ng emosyon- “Kung may kapangyarihan lang ako ay paguguhuin ko ang building na ito…”, habang itinuturo ang building #3 ng parang pista pa rin ang atmospera.

Ang katatapos na labanan ay sa pagitan lamang sa dalawang uri- ang manggagawa at kapitalista. Ang mga nasa loob ng building na iyan ay mga kauri natin, na kailangang kakampihin at kaisahin para sa susunod na labanan. Kinulang tayo at hindi inabot ng edukasyon ang mga ‘yan kaya’t hindi dapat sa kanila ang puna at sisi.

Hayaan n’yo at bukas o sa makalawa lang ay ibubulgar mismo ng mga susunod na aksyon ng manedsment sa mga nabubulagang mga yan ang reyalidad na sila ay mga manggagawang sahuran pa rin na alipin ng kapitalista sa loob ng mga panahong bayad ang mga oras nila upang magtrabaho sa loob ng planta. At sa dulo ay ang pagkakaroon lamang ng pinag-isang tinig at lakas ng mga manggagawa ang solusyon sa lahat ng problemang ito.”- ang pamamayapa ko sa kanila.

Tulad ng kasabihang kumakalma muna ang paligid bago ang isang unos ay pinalipas muna ang isang araw na tahimik sa loob ng planta matapos ang eleksyon, bago ipinatupad ang labis na paghihigpit sa mga manggagawa. Sa mumunting problema ay agad ang paghingi nila ng incident report (IR) at notice to explain (NTE) sa mga mganggagawa, at walang pinipili kung unyunista ka man o hindi.

Ang kalamangan lamang ng mga unyunista ay handa sila at tanggap ang reyalidad na magaganap ang mga ito. At kampante sila dahil alam nilang may isang rehistradong unyon na handang magtanggol sa kanila kung lalabis sa hangganan ng batas ang mga ginagawa ng kompanya.

Ang mga unyunista ay taas-noong hinarap ang mga pagpapahirap at muling nag-iipon ng init sa dibdib at ng mga dahilan ng katumpakan ng ginawang pagbubuo ng isang unyon. Ang iba ay may panghihinayang kung bakit kumurap sila sa huling sandali bago ang eleksyon. Ang karamihan ay tahimik na ninamnam ang naging bunga ng kanilang mga maling kinampihan. Samantalang ang “buwayang” naging “dinosaur” sa loob lamang ng isang araw ay bumalik na sa pagiging “bubuli” sa cutting department.

Tunay ngang sa labanan ng prinsipyo at sikmura ay madalas manaig ang huli. Ngunit hindi nito dapat magapi ang patuloy na paghahangad ng paglaya. Edukasyon pa rin ang pangunahing susi upang lumawak ang mulat na seksyon sa loob ng pagawaan. Dahil sa katulad na kompanya kung saan bahagi na ng pang araw-araw na buhay ng mga manggagawa ang masinghalan ng mga line leaders at mga ‘bisor upang paspasan pa lalo ang produksyon sa kabila halos kalabaw na ang kanilang pagtatrabaho, ay laging hinog sa pag aalsa ang  sitwasyon. K

FacebookTwitterGoogle+Share